
Nagsimula ang paghabi nang pahina ng istorya ng mga langgam, taong dalawang libo ( 2000 ) nang matipon ang mga kuwento sa isipan ng lumikha ng pahinang ito. At sa pamamagitan nga ng makabagong teknolohiya minabuti itong ilathala sa bagong mundo upang makapagbigay bahagi sa kaalaman ng buhay na maaari mong kapulutan ng aral.
Hinabi ang pahina at masinsing binalangkas, upang maunawaan ang pagpapahayag ng nasa isipan ng manunulat. Ang istorya ng mga langgam ay halaw sa gawain ng mga langgam, bagaman sila ay maliit na uri ng nilalang, puno parin sila ng pag-kakaisa, ng pag-asa, ng tiyaga para sa darating na tag ulan sa araw ng bukas.
Subalit hindi lahat ng pahina ay naaangkop sa iyong panlasa, kaya naman itoy pinag tagpi tagpi ng may akda upang sa gayon ay may mapagpilian kang puntahan. Puno ang bawat pahina ng kuwento na makapagbibigay ideya at tanong sa iyong isipan kung bakit may mga ganitong takbo ng istorya. Maaring tunay o kathang isip lamang ang mga ito, subalit hawig sa buhay ng tao.
Ito ay inihahandog para sa inyo na mambabasa at tumangkilik, ikaw ay malaya na makapagbibigay kumento sa mga istoryang iyong nasaksihan, at kung sakali mang mapadaan ka sa mismong kinalalagyan ng istorya huwag mag atubiling sulatan ako, maaaring ibahagi mo rin ang istoryang alam mo.
Ang bawat pahina ay binubuo ng siyamnapu't siyam na pursiyentong (99%) wikang tagalog na kung saan mas naipahahayag ang tunay na pag unawa sa sariling atin, at pagmamahal sa ating bayan. Kaya tayo na pasyalan ang mga pahina...